Nakahanda na ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ng pamaskong handog para sa 5,000 pamilyang residente ng bayan bilang bahagi ng kanilang programa sa mga taga-Cajidiocan ngayong taon.
Ayon kay Mayor Marvin Greggy Ramos, lahat ng pamilyang nakarehistro sa Barangay Registrants ay siguradong makakatanggap ng kanilang pamaskong handog, anumang antas ng pamumuhay.
“Mayaman man o mahirap. Lahat sila ay tatanggap,” ayon sa alkalde.
Paliwanag ni Ramos, mahalagang maipadama sa mga Cajidiongnon ang diwa ng Pasko lalo na matapos danasin ng bayan ang pinsala mula sa mga nagdaang bagyo. Sa kabila ng mga pagsubok, nais umano ng pamahalaang lokal na maramdaman ng bawat pamilya na hindi sila nakakalimutan ng kanilang LGU.
Ang pondo para sa pamamahagi ay nagmula sa savings ng lokal na pamahalaan, bunga ng mas mahigpit na pagpapatupad ng tama at maayos na paggamit ng pondo sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Ramos.
Nakatakda ang pamamahagi bago sumapit ang Kapaskuhan.



































