Arestado ang isang lalaki sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos tangkaing isanla ang pekeng gintong singsing gamit ang pekeng ID sa isang sangay ng Cebuana Lhuillier sa Barangay Liwayway noong Oktubre 18, 2025.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, nakatanggap sila ng 911 call bandang 9:55 a.m. mula sa nasabing pawnshop tungkol sa nasabing insidente.
Agad na rumesponde ang mga pulis at inabutan ang suspek sa lugar. Lumabas sa imbestigasyon na nagtangka umano ang lalaki na isanla ang pekeng singsing gamit ang isang pekeng identification card.
Naging kahina-hinala ito sa mga empleyado matapos nilang makilala ang suspek bilang parehong taong nagtangkang magsanla sa Cebuana Lhuillier branch sa Looc isang araw bago ang insidente, ngunit gamit ang ibang ID.
Nakumpirma ng sangay sa Looc na parehong tao ang suspek, dahilan upang agad siyang arestuhin ng mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Law bago dalhin sa Odiongan MPS para sa dokumentasyon.
Kasong Estafa (Article 315), Falsification of Public Documents (Article 172, paragraphs 1 and 3 ng Revised Penal Code), at paglabag sa Anti-Alias Law ang isasampa laban sa kanya.
Discussion about this post