Binigyang-diin ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Odiongan at ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng bayan ng Odiongan ang kahalagahan ng paggunita sa Indigenous Peoples (IP) Month tuwing Oktubre bilang paraan upang mapanatili at mapalakas ang pagkilala sa kultura, tradisyon, at karapatan ng mga katutubo sa lalawigan ng Romblon.
Ayon kay Helen Grace Bantang ng NCIP Odiongan, ang taunang pagdiriwang ay mahalagang paalala na ang mga katutubo ay patuloy na may malaking ambag sa kasaysayan, sining, at pagkakakilanlan ng bansa. Aniya, sa pamamagitan ng mga programang ipinatutupad ng ahensya at ng mga lokal na pamahalaan, mas napalalakas ang partisipasyon ng mga katutubo sa mga usaping panlipunan at pangkaunlaran.
Ibinahagi naman ni Rey Garcia, IPMR sa Sangguniang Bayan ng Odiongan, na mahalagang bigyan ng boses ang mga katutubo sa paggawa ng mga polisiya at proyekto na direktang nakaaapekto sa kanila. Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng mga IPMR sa mga bayan ay isang paraan upang matiyak na naririnig at naipaglalaban ang karapatan ng mga katutubo.
Sa Romblon, kabilang sa mga kinikilalang katutubong grupo ang mga Ati, Bantoanon, at Sibuyan Mangyan Taga-Bukid, na patuloy na nagtataguyod ng kanilang mga kaugalian, wika, at pamumuhay sa kabila ng makabagong panahon.
Bilang tampok na bahagi ng pagdiriwang, nakatakdang ganapin ang Indigenous Peoples Month Celebration sa Oktubre 24 sa bayan ng Odiongan, kung saan mahigit 300 katao ang inaasahang dadalo.
Discussion about this post