Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor bilang bagong Chairman ng Regional Development Council (RDC) MIMAROPA para sa termino ng 2025 hanggang 2028.
Ang RDC ang pangunahing policymaking at coordinating body ng rehiyon na nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at pambansang ahensya sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si Governor Dolor kay Pangulong Marcos sa ipinagkaloob na tiwala.
“Isang karangalan ang maitalaga ng ating mahal na Pangulo bilang Chairman ng MIMAROPA Regional Development Council para sa terminong 2025-2028. Taos-pusong pasasalamat ang ating ipinararating kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang tiwala sa aking kakayahang pamunuan ang RDC,” pahayag ni Dolor.
Dagdag pa niya, hangad niyang mapanatili ang pagkakaisa ng limang lalawigan ng MIMAROPA (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan) upang higit pang mapaigting ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa pag-unlad ng rehiyon.
“Hangad ko ang patuloy na pagkakaisa ng limang lalawigan ng MIMAROPA, at ang pakikiisa ng mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng NEDA, upang maisakatuparan natin ang mga programang magpapaunlad sa rehiyon at sa ating lalawigan,” dagdag ni Dolor.
Discussion about this post