Ibinahagi ni Rey Garcia, Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) ng Sangguniang Bayan ng Odiongan, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng IPMR sa bawat barangay at bayan sa lalawigan ng Romblon upang matiyak na may kinatawan ang mga katutubo sa mga usaping may kinalaman sa kanilang karapatan, tradisyon, at kultura.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, ipinaliwanag ni Garcia na mahalagang may boses ang mga katutubo sa mga desisyon ng pamahalaan, lalo na sa mga proyektong maaaring makaapekto sa kanilang lupang ninuno at pamumuhay.
Sinang-ayunan naman ito ni Helen Grace Bantang ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Odiongan, na binigyang-diin din ang malaking papel ng mga IPMR sa mga Sangguniang Bayan sa buong lalawigan sa pagsusulong ng mga programa at polisiya na magtataguyod sa kapakanan ng mga katutubo.
Sa kasalukuyan, walo lamang sa labing-isang bayan sa Romblon ang may mga itinalagang IPMR. Ayon kay Bantang, patuloy na nakikipag-ugnayan ang NCIP sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na magkakaroon ng kinatawan ang lahat ng bayan sa lalawigan bilang bahagi ng pagpapalakas ng representasyon at partisipasyon ng mga katutubo sa pamahalaan.
Discussion about this post