Patay ang isang 82-anyos na lola matapos pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Amatong, Odiongan, Romblon nitong Lunes ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, natagpuan ng kamag-anak ang biktima na nakahandusay sa sariling dugo sa loob ng kanyang kwarto nang maghatid ito ng almusal. Napansin din umano ng kamag-anak na bukas ang mga pinto ng bahay at sira ang isang bintana, dahilan upang suspetsahang may sapilitang pumasok sa tahanan.
Sa isinagawang post-mortem examination, lumabas na nagtamo ang biktima ng anim na saksak sa katawan, lima sa likod at isa sa kaliwang bahagi ng dibdib, na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Tinatayang alas-2:00 ng madaling araw nang mangyari ang krimen.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng pumasok ang suspek sa bahay sa pamamagitan ng sirang bintanang yari sa kawayan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Discussion about this post