Arestado ang limang menor de edad sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos isagawa ng Odiongan Municipal Police Station ang isang entrapment operation laban sa kanila nitong Oktubre 21, matapos nilang ibenta sa social media ang ninakaw na bisikleta sa halagang ₱5,000.
Ayon sa pulisya, ang naturang bisikleta na nagkakahalaga ng ₱16,000 ay ninakaw noong gabi ng Oktubre 16. Nagsumbong sa mga awtoridad ang may-ari matapos makita online ang kanyang bisikleta na ibinebenta sa murang halaga.
Kasunod nito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Odiongan MPS kung saan pumayag ang biktima na magpanggap bilang mamimili upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng nagbebenta. Sa aktuwal na transaksyon, positibong kinilala ng biktima ang bisikleta bilang kanya, dahilan upang agad arestuhin ang isa sa mga suspek sa lugar ng pagkikita.
Dinala ang naarestong menor de edad sa Barangay Hall ng Tuburan para sa dokumentasyon, kung saan tinukoy nito ang kanyang mga kasamahan sa krimen. Kaagad na ipinatawag ng mga opisyal ng barangay ang iba pang mga menor de edad kasama ang kanilang mga magulang.
Pagkatapos ng pagpupulong at kumpirmasyon ng kanilang pagkakasangkot, dinala ng mga barangay opisyal at mga pulis ang mga menor de edad sa Odiongan Municipal Police Station para sa wastong disposisyon.
Ang nabawi na bisikleta ay pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya at ibabalik sa may-ari matapos ang beripikasyon.
Samantala, ang mga menor de edad ay itinurn-over sa Women and Children Protection Desk (WCPD) at kalaunan ay ipinasa sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa counseling at intervention, alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Discussion about this post