Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ligtas at walang nasunog na mga dokumento kaugnay ng flood control projects o ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y “flood control fiasco” matapos ang sunog na naganap sa loob ng DPWH MIMAROPA compound sa Quezon City noong Miyerkules, Oktubre 22, 2025.
Nilinaw ng ahensya na hindi ang opisina ng DPWH MIMAROPA ang nasunog, taliwas sa mga kumakalat sa social media, kundi ang opisina ng Bureau of Research and Standards (BRS) na nasa loob lamang ng compound.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection–National Capital Region (BFP–NCR), nagsimula ang apoy bandang alas-9 ng umaga at umabot sa third alarm bago ito tuluyang naapula. Inisyal na imbestigasyon ng BFP ang nagsabing nagsimula ang apoy sa isang computer unit sa Materials Testing Division ng BRS.
Ayon sa DPWH, walang empleyado ang nasugatan o nasawi sa insidente at agad na nakalikas ang lahat ng nasa gusali.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog at matiyak ang kaligtasan ng mga pasilidad ng ahensya.
Discussion about this post