Sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ang mga nakumpiskang uncertified at substandard na produkto sa lalawigan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Consumer’s Month ngayong Oktubre.
Kabilang sa mga sinirang produkto ang mga electric kettle, electric fan, baterya, tying wire, electrical tape, at saksakan, na napatunayang walang tamang certification o markings mula sa Bureau of Philippine Standards (BPS).
Ayon kay DTI Romblon Provincial Director Orville Mallorca, ang mga naturang produkto ay nakumpiska sa isinagawang inspeksyon sa iba’t ibang tindahan sa lalawigan.
“Dapat po kasi ang mga gumagawa o nag-aangkat ng mga produktong ito ay may lisensya mula sa BPS, pero nang aming suriin, walang certification at markings ang mga ito,” paliwanag ni Mallorca.
Dagdag pa niya, isinagawa ang pagsira bilang hakbang sa proteksyon ng mga mamimili laban sa mga produktong hindi pumapasa sa itinakdang pamantayan ng kalidad at kaligtasan.
Bilang halimbawa, binanggit ni Mallorca ang mga nakumpiskang tying wire na karaniwang ginagamit sa konstruksyon.
Aniya, kung magagamit ito ng mga residente sa Sibuyan Island na muling nag-aayos ng kanilang mga bahay matapos ang Bagyong Opong, maaaring manganib muli ang kanilang mga tahanan dahil sa kahinaan ng materyales.
Tinatayang halos ₱50,000 ang kabuuang halaga ng mga nasirang produkto, kung saan ₱14,000 dito ay tying wire pa lamang.
Tiniyak ni Mallorca na magpapatuloy ang market monitoring at enforcement activities ng DTI upang masiguro na ligtas, de-kalidad, at patas sa presyo ang mga produktong ibinebenta sa Romblon.
“Paulit-ulit naming pinaaalalahanan ang mga tindahan na maging patas sa mga mamimili at siguraduhing tamang produkto ang kanilang ibinebenta,” dagdag ni Mallorca.
Discussion about this post