Pormal nang tinanggap ng Sibuyan Mangyan Tagabukid Indigenous Cultural Communities (ICCs) sa Barangay Agtiwa, San Fernando, Romblon ang kanilang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) sa isinagawang seremonya noong Oktubre 22, bilang bahagi ng pagdiriwang ng bayan sa ika-28 Anibersaryo ng Indigenous Peoples (IP) Month.
Ang CADT, na ipinagkaloob ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ay opisyal na pagkilala sa karapatan at pagmamay-ari ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno sa Barangay Agtiwa, alinsunod sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon, ipinaliwanag ni NCIP Odiongan Officer Helen Grace Bantang na ang pagkakaloob ng CADT ay nagbibigay sa komunidad ng kapangyarihang pamahalaan, pangalagaan, at gamitin ang kanilang ancestral domain alinsunod sa kanilang mga kaugalian at tradisyunal na pamumuhay.
Dagdag ni Bantang, bahagi ito ng pagpapatupad ng IPRA Law, na naglalayong kilalanin at protektahan ang mga karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno at pamana ng kultura.
Dinaluhan ang turnover ceremony ng mga kasapi ng Agtiwa ICC, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Tampok din sa programa ang mga tradisyunal na sayaw, awitin, at pagtatanghal na nagbigay-diin sa makulay na kultura at pamana ng mga katutubong mamamayan ng Sibuyan Island.
Discussion about this post