Arestado ang anim na mangingisda matapos maaktuhan sa ilegal na pangingisda gamit ang compressor sa karagatang sakop ng Barangay Mabini, San Fernando, Romblon noong Oktubre 20, 2025.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagsagawa ng joint seaborne operation ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Stations (CGSS) Cajidiocan at Magdiwang, Coast Guard Intelligence Unit (CGIU) Romblon, at San Fernando Municipal Police Station (MPS) matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente tungkol sa nagaganap na ilegal na pangingisda sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang pinagsamang team at na-intercept ang dalawang motorized fishing boats na ginagamit sa compressor fishing, isang paraan ng pangingisda na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 35-B ng San Fernando.
Nakumpiska mula sa mga mangingisda ang dalawang bangkang de-motor, mga compressor tank, kagamitan sa pangingisda, at tinatayang 30 kilo ng iba’t ibang uri ng isda na may kabuuang halagang ₱252,900.00.
Dinala na sa kustodiya ng awtoridad ang mga naarestong mangingisda para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Discussion about this post