Nanawagan ang Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) na ipabasura at ipatigil ang nakaambang dagdag-singil sa kuryente sa buong MIMAROPA na magsisimula sa Nobyembre, matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang hiling ng National Power Corporation (NPC) na itaas ang Subsidized Approved Generation Rate (SAGR) para sa mga lugar na sakop ng Small Power Utility Group (SPUG).
Batay sa desisyon ng ERC noong Setyembre 23, 2025, tataas ng ₱0.9282 kada kWh ang singil sa unang taon para sa commercial at industrial customers, na magreresulta sa bagong rate na ₱8.3182/kWh. Sa ikalawang taon, madaragdagan pa ito ng ₱0.9282 kada kWh at aabot sa ₱9.2464/kWh ang kabuuang singil. Sa kabuuan, ₱1.8564 kada kWh ang madaragdag sa loob ng dalawang taon. Kapag isinama ang naunang pagtaas noong Marso 2024, umabot na sa ₱3.6060/kWh ang itinaas ng singil sa MIMAROPA.
Mariing tinutulan ng ROMELCO at Association of Isolated Electric Cooperatives (AIEC) ang hakbang na ito. Ayon sa kanilang pagsusuri, maaaring naiwasan ang bigat ng dagdag-singil kung in-adjust na lamang ang Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) ng ₱0.02 kada kWh imbes na ipasa agad ang dagdag-gastos sa mga konsumer.
Batay sa pag-aaral ng AIEC at Center for Power Issues and Initiatives (CPII), posibleng magdulot ang dagdag-singil ng pagbagal ng paglago ng GDP, pagtaas ng inflation, pagdami ng mahihirap na tinatayang mahigit 10,000 katao, at pagkawala ng trabaho sa agrikultura, industriya, at maging sa pampublikong sektor.
Nananatiling pangunahing isyu ang paggamit ng NPC ng luma at mahal na diesel power plants sa mga isla at ang kabiguan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ikonekta ang off-grid islands sa main grid.
Itinutulak ng ROMELCO at AIEC ang agarang transisyon tungo sa renewable energy (RE) upang mabawasan ang pag-asa sa diesel generation at mapagaan ang pasanin ng mataas na singil sa kuryente sa mga isla. Nanawagan din ang mga grupo sa mga mamamayan ng Romblon at buong MIMAROPA na suportahan ang kanilang paninindigan laban sa dagdag-singil at makiisa sa pagtutulak para sa makatarungan at abot-kayang enerhiya.
Discussion about this post