Mahigit apat na araw nang nakakaranas ng rotational brownout ang mga residente ng Corcuera, Simara Island, Romblon dahil sa pagkasira ng isa sa mga makina ng planta ng National Power Corporation (NPC).
Ayon sa huling ulat ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), load shedding ang ipinatutupad sa isla dahil dalawa na lamang sa mga makina ng NPC ang gumagana. Patuloy umanong inaayos ang mga sirang makina upang maibalik sa normal ang suplay ng kuryente.
“May posibilidad po na madagdagan o mabago ang mga apektadong lugar depende po sa kapasidad ng dalawang makina na umaandar,” pahayag ng ROMELCO.
Samantala, sinabi ni ROMELCO general manager Engr. Rene Fajilagutan na posibleng maayos ngayong araw ang mga sirang genset upang tuluyang maibalik ang normal na operasyon.



































