Isang hakbang sa pagpapalakas ng disaster preparedness at public safety ang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Calatrava matapos buksan ang kanilang kauna-unahang 24/7 Emergency Command Center kamakailan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Mayor Robert Fabella nitong August 6, sinabi ng alkalde na layon ng bagong command center na pagsamahin ang lahat ng emergency responders ng bayan, mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), hanggang sa Rural Health Unit (RHU), upang maging mas mabilis at epektibo ang pagtugon sa mga insidente at pangangailangan ng mamamayan.
Ang hotline number ng Emergency Command Center ay 0930-326-4161, na maaaring tawagan anumang oras para sa mga aksidente, sunog, medical emergencies, o anumang insidente na nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno.
Bukod sa centralized emergency hotline, isinailalim din umano sa regular na training ang mga miyembro ng emergency response team upang matiyak ang kalidad ng serbisyo. Kasama rito ang mga rescue operations, basic life support, fire safety awareness, at disaster response protocols.
Mayroon ding standby na mga ambulansya, patient transport vehicles, at rescue vehicles na handang rumesponde kahit sa mga liblib na bahagi ng bayan.
Hinihikayat ng LGU ang mga mamamayan na i-save ang emergency hotline number at ipakalat ito sa mga barangay upang mas maging episyente ang sistema ng pagresponde.
Binalaan naman ng alkalde ang mga prank callers na ‘wag gagawing laro ang pagtawag sa kanilang emergency hotline. Ayon kay Fabella, inaasahang magpapasa sila ng ordinasa na magbibigay ng parusa sa lahat ng prank callers na tatawag sa kanilang emergency hotline.