Nanumpa sa harap ni Congressman Budoy Madrona ang mga bagong halal na opisyal ng Federation of Student Supreme Council (FSSC) ng Romblon State University (RSU) sa isang seremonyang dinaluhan ng mga opisyal ng unibersidad at kinatawan ng pamahalaan.
Pinangunahan ni Mark Lambert Fornea, ang bagong Federated SSC President at itinalagang Student Regent, ang panunumpa ng mga lider-estudyante mula sa iba't ibang kampus ng RSU.
Sa kanyang talumpati, hinikayat ni RSU President Dr. Merian Catajay Mani ang mga opisyal na yakapin ang kanilang tungkulin bilang tunay na “servant leaders”.
“Simula ngayong school year, hindi na kayo tatawaging ‘honorable.’ Mula ngayon, kayo ay tatawaging servant leaders,” pahayag ni Mani.
“Sa tuwing tatawagin kayong servant leaders, maaalala ninyo na kayo ay nasa posisyon dahil sa inyong kagustuhang maglingkod,” dagdag nito.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng panloob na motibasyon sa pamumuno, na aniya’y dapat ay nakaugat sa kabutihang-loob, pagmamahal, at buong pusong paglilingkod.
“Ang inspirasyon o motibasyon na pinakamainam na gumabay sa atin ay yaong mula sa kalooban—na ginagabayan ng pagiging bukas-palad, ng pagmamahal, at ng buong pusong pagbibigay ng sarili sa tungkuling nakaatang sa atin,” dagdag ni Dr. Mani.
Ayon kay Dr. Mani, ang mga estudyanteng ito ay inaasahang magiging katuwang ng pamunuan sa pagpapatupad ng mga adhikain ng unibersidad at paghahanda sa kanila bilang mga susunod na lingkod-bayan.
Pinasalamatan ni Dr. Mani ang mga estudyante sa kanilang pakikiisa at suporta sa misyon at layunin ng RSU.



































