Nakauwi na ng Romblon ang 18 estudyante at 3 guro ng Romblon State University (RSU) matapos ang kanilang isang buwang summer enrichment camp sa Dalhousie University sa Canada.
Ayon kay Engr. Elbert Garcia, program in charge ng Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering, nagbalik ang grupo na may dalang iba't ibang aral at proposal para sa pamantasan.
Binigyang-diin ni Garcia ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang kolehiyo at departamento sa RSU upang mas mapaganda ang mga proyekto.
“Mas maganda po ‘yung aming outputs kapag sinama-sama ‘yung aming mga expertise,” aniya.
Ilan sa mga proyektong dala ng mga estudyante ay ang pagpapalago ng mariculture sa bayan ng Looc, maayos na solid waste disposal sa loob ng paaralan, student-led smart farm, at biodegradable pot na gawa sa seaweeds.
Binati naman ni Congressman Eleandro Jesus Madrona ang mga estudyante at hinimok silang gamitin ang kanilang natutunan para sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Romblon.
Ang programa ay bahagi ng layunin ng RSU na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng exposure sa mga makabagong teknolohiya at pamamaraan mula sa ibang bansa.



































