Sa gitna ng panibagong yugto ng pamumuno sa lalawigan, binigyang-diin ng mga bagong halal na opisyal ng Romblon ang kahalagahan ng turismo bilang sentro ng mga programa para sa kaunlaran.
Sa isinagawang oath-taking ceremony, binigyang-diin ni Congressman Eleandro Madrona na kailangan ang pagkakaisa ng lahat ng opisyal ng probinsya upang maisulong ang turismo bilang pangunahing tagapagpaandar ng ekonomiya ng Romblon.
Plano niyang itulak sa Kongreso ang opisyal na deklarasyon ng mga tourism areas sa lalawigan, na susuportahan ng mga resolusyon mula sa provincial government at mga bayan.
Naniniwala ang kongresista na hindi sapat kung aasa lamang ang Romblon sa mga produktong agrikultural at yamang-dagat, kaya kailangang paigtingin ang turismo upang mas maraming negosyo at trabaho ang mabuksan para matugunan ang pangangailangan ng mga bisita.
Inaasahang magiging sentro ng programa ng bagong grupo ng mga opisyal ng Romblon ang pagpapalakas ng turismo bilang daan para sa mas inklusibo at pangmatagalang kaunlaran ng lalawigan sa loob ng kanilang tatlong taong termino.



































