Isang motorsiklo na pagmamay-ari ng empleyado ng Small Town Lottery (STL) ang tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Poblacion, Calatrava kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nadiskubre ng 44-anyos na biktima ang pagkawala ng kanyang motorsiklo habang ito ay nakaparada sa harap ng kanilang opisina.
Ayon sa mga kuha ng CCTV sa lugar, nakita ang isang lalaki na nakasuot ng pulang kapote habang hinihila palayo ang motorsiklo. Tinatahak umano nito ang direksyon patungong San Agustin.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng Calatrava Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at mabawi ang ninakaw na sasakyan.



































