Pinaigting ng Regional Nutrition Committee (RNC) sa MIMAROPA ang mga hakbang para labanan ang malnutrisyon sa rehiyon, kasabay ng paglulunsad ng Nutrition Month Celebration noong Hulyo 1 sa bayan ng Boac.
Sa programa, sinabi ni Ma. Eileen B. Blanco, Regional Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA, na patuloy na hamon ang malnutrisyon sa bansa kahit may kamalayan ang publiko sa kahalagahan ng wastong nutrisyon.
“Nutrition remains a serious concern in the country. People are knowledgeable about nutrition but strong policy support and visible implementation are needed to make a real impact,” pahayag ni Blanco.
Ayon sa RNC, nangunguna ang MIMAROPA sa bilang ng underweight na mga batang edad 0 hanggang 59 buwan sa buong bansa at pumapangalawa naman sa kaso ng stunting o pagkabansot dulot ng matagalang kakulangan sa nutrisyon.
Iginiit ni Blanco ang pangangailangang magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang masiguro ang sapat at masustansyang pagkain para sa lahat.
“Through the combined efforts of these agencies, NNC programs can reach more communities and help reduce malnutrition. Always remember [that] nutrition is a right for every child and for every one of us,” dagdag niya.
Samantala, inihayag ni Dr. Rodolfo Antonio M. Albornoz, Regional Director ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA at RNC chairperson, ang pagpapatupad ng School Nutrition Program sa lahat ng paaralan sa rehiyon.
Ayon kay Albornoz, layon ng programa na labanan ang malnutrisyon sa mga mag-aaral at tiyaking may access ang lahat sa masustansyang pagkain.
“Food security must be achieved— food must be accessible, available, properly utilized and stable because adequate nutrition is not just a goal, it’s a necessity for everyone,” ani Albornoz.
Tiniyak ng RNC na sa pamamagitan ng mas pinalakas na programa at pagtutulungan ng mga ahensya, makakamit ng MIMAROPA ang layuning sugpuin ang malnutrisyon at magbigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga bata at komunidad sa rehiyon.


































