Pormal nang inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) program ang isang bagong proyektong pang-imprastruktura na layong pagandahin ang akses sa dekalidad na edukasyon sa bayan ng Cajidiocan.
Kamakailan ay isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng tig-dalawang bagong silid-aralan sa magkahiwalay na elementaryang paaralan sa Barangay Marigondon at Barangay Cabalo. Ang mga silid-aralan ay itatayo sa Marigondon Elementary School at Angel Rio Elementary School.
May nakalaang pondo na ₱3.5 milyon para sa bawat silid-aralan, na ipinatutupad sa pakikipagtulungan ng DSWD Kalahi-CIDSS at ng lokal na pamahalaan.
Naglaan din ng counterpart funding at manpower ang barangay local government units (BLGU) ng Marigondon at Cabalo para maisakatuparan ang proyekto.
Layunin ng proyekto na tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa dalawang barangay at makapagbigay ng mas maayos at komportableng lugar para sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Tampok din sa proyekto ang bayanihan spirit, kung saan magtutulungan ang mga miyembro ng komunidad sa pagbuo ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng kanilang oras, lakas, at mga kagamitan.
Nagsimula na ang konstruksyon at inaasahang matatapos bago matapos ang Setyembre ngayong taon.
Nagpasalamat si Jefferson Repizo, punong-guro ng Marigondon Elementary School, sa DSWD at LGU dahil sa pagsuporta sa proyekto, na aniya ay malaking tulong para mabawasan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa kanilang paaralan.
Ang Kalahi-CIDSS ay pangunahing programa ng DSWD para sa pagbawas ng kahirapan na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mga komunidad na tukuyin ang kanilang pangunahing pangangailangan at pamunuan ang pagpaplano, pagpapatupad, at pagpapanatili ng mga proyektong pangkaunlaran.


































