Hinihikayat ng Philippine Coconut Authority (PCA) Romblon ang publiko na dumaan sa tamang proseso at legal na pamamaraan sa pagputol ng mga puno ng niyog sa kani-kanilang lugar.
Sa panayam sa Kapihan sa PIA Romblon, ipinaalala ni Senior Agriculturist Oliver Gaa ng PCA Romblon na kinakailangan munang kumuha ng permit mula sa kanilang ahensya bago putulin ang anumang puno ng niyog.
Ayon sa kanya, ito ay alinsunod sa umiiral na batas na naglalayong mapanatili ang maayos na pamamahala at proteksyon ng industriya ng niyog sa bansa.
Paliwanag ni Gaa, may mga itinakdang kondisyon bago maglabas ng permit ang PCA, kabilang na ang pagiging matanda o luma ng puno, kawalan ng bunga, o kung ito ay nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga residente o mga istrukturang malapit dito.
Binigyang-diin din ng PCA na ang sinumang mahuhuling lumalabag sa mga itinakdang panuntunan ay maaaring pagmultahin o mapatawan ng iba pang kaukulang parusa.
Hinimok din ng ahensya ang mga mamamayan na makipag-ugnayan sa PCA office para sa karagdagang impormasyon ukol sa proseso ng pagkuha ng permit sa pagputol ng puno ng niyog.


































