Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang paghahanda ng mga paaralan sa lalawigan ng Romblon para sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng Brigada Eskwela na opisyal na inilunsad nitong Lunes, Hunyo 9.
Ginanap ang kick-off ceremony sa Calatrava Elementary School sa bayan ng Calatrava, kung saan dumalo ang mga opisyal ng DepEd Romblon sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Roger Capa.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Capa ang kahalagahan ng Brigada Eskwela bilang isang simbolo ng bayanihan at pagkakaisa ng komunidad sa paghahanda ng mga paaralan.
Sa parehong aktibidad, tumanggap ang Calatrava Elementary School ng mga construction supplies mula sa mga pribadong donor na gagamitin sa pagsasaayos ng pasilidad ng paaralan. Bukod pa rito, namahagi rin ang Blessed to Give Organization ng mga school supplies sa mga mag-aaral.
Sa bayan naman ng Romblon, nagtulong-tulong ang mga guro ng Macario Molina National High School at mga personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Romblon District Jail sa paglilinis at paggawa ng mga bagong upuan na gagamitin ng mga estudyante sa nalalapit na pasukan.
Kasabay ng Brigada Eskwela ngayong taon ay inilunsad rin ng DepEd Romblon ang programang “Pagpapabuti sa Mag-aaral” Reading Program, isang inisyatibong naglalayong palakasin ang kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa lalawigan.



































