Patuloy na tinutugunan ng Department of Education (DepEd) Romblon ang kasalukuyang kakulangan sa mga silid-aralan sa lalawigan sa pamamagitan ng paggamit ng makeshift classrooms at iba pang alternatibong learning spaces.
Sa isinagawang 2nd Quarter Regional Press Conference ng DepEd MIMAROPA, iniulat ni Assistant Schools Division Superintendent Cynthia Eleonor Manalo na bahagi na ng paghahanda ng kanilang tanggapan ang paggamit ng pansamantalang classrooms at iba pang pasilidad tulad ng computer rooms upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga mag-aaral habang inaantabayanan ang pagtatapos ng mga bagong silid-aralan.
Ayon sa DepEd Romblon, nagpapatuloy na ang procurement at construction ng mga karagdagang classrooms sa iba't ibang paaralan sa lalawigan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa DepEd Regional Office at sa tanggapan ni Congressman Eleandro Jesus Madrona para sa dagdag na suporta sa imprastraktura.
Sa pinakahuling datos ng DepEd MIMAROPA, may 5,153 mag-aaral na naka-enroll sa Kindergarten, 33,819 sa Elementary, 21,668 sa Junior High School, at 10,181 sa Senior High School sa buong Romblon.
Inaasahan pang madaragdagan ang bilang ng mga enrollees habang nagpapatuloy ang enrollment period sa mga paaralan.


































