Umabot sa 1,098 na persons with disabilities (PWDs) sa lalawigan ng Romblon ang nakinabang sa ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA sa ilalim ng Cash-for-Work program ng ahensya.
Isinagawa ang programa sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), kung saan ang mga benepisyaryo ay nagsagawa ng community-based work sa kani-kanilang lugar.
Bawat PWD na lumahok sa programa ay tumanggap ng halagang P430 kada araw bilang kabayaran sa siyam hanggang sampung araw na trabaho, depende sa itinakdang gawain sa kanilang komunidad.
Ang pamamahagi ng kanilang mga sahod ay isinagawa mula Mayo 27 hanggang Hunyo 2, 2025.
Layunin ng programa na mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay ang mga PWD habang tumutulong sila sa mga proyektong pangkaunlaran sa kanilang lugar. Isa rin itong hakbang para isulong ang inklusibong pag-unlad sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga sektor na madalas na naiiwan sa mga programa ng pamahalaan.
Ayon sa DSWD MIMAROPA, patuloy ang kanilang pagtutok sa mga marginalized sectors gaya ng PWDs upang matiyak na walang Pilipino ang mapag-iiwanan sa prosesong pangkaunlaran.



































