Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa lalawigan ng Romblon, ayon sa pinakahuling ulat ng Red Shelter Treatment Hub ng Romblon Provincial Hospital.
Mula 1988 hanggang Marso 2025, umabot na sa 175 ang kabuuang kaso ng HIV sa buong lalawigan. Sa unang tatlong buwan ng 2025 pa lamang, naitala na ang 17 bagong kaso.
Batay sa datos, ang age group na may pinakamataas na kaso ay ang mga may edad 25 hanggang 34 taong gulang, na may kabuuang 90 kaso mula sa kabuuang tala. Isa rin sa mga pangunahing sanhi ng transmisyon ng sakit ay ang pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki, ayon sa ulat ng treatment hub.
Pinaalalahanan ng Red Shelter Treatment Hub ang publiko na magpatest at alamin ang kanilang HIV status. Ito ang unang hakbang para manatiling malusog. Ang testing ay simple, confidential, at libre sa mga treatment hub. Mahalaga rin ang maagap na prehensyon, tulad ng palagiang paggamit ng condom, pag-inom ng PrEP (Pre-Exposure Prophylaxis) para sa mga at-risk na indibidwal, at pagkakaroon ng kaalaman sa HIV status ng kapareha upang maiwasan ang sakit.
Hinikayat din ng treatment hub ang publiko na tapusin ang stigma sa mga taong may HIV. Hindi dapat ito maging batayan ng paghusga sa isang tao.



































