Umabot sa 42 degrees Celsius ang naitalang heat index sa bayan ng Romblon noong Lunes, June 2, ayon sa ulat ng Southern Luzon PAGASA Regional Service Division.
Inaasahan namang mananatili ang matinding init ng panahon ngayong araw, June 3, kaya’t muling nagpaalala ang ahensya sa publiko na maging maingat at mag-ingat sa posibleng epekto ng matinding init sa kalusugan.
Ayon sa PAGASA, ang ganitong lebel ng heat index ay kabilang na sa “Danger” classification. Sa ilalim ng kategoryang ito, malaki ang posibilidad ng heat cramps at heat exhaustion, habang ang heat stroke ay posible kung magpapatuloy ang exposure sa matinding init.
Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na uminom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration. Iwasan din ang pag-inom ng kape, tsaa, at soft drinks lalo na sa tanghali at hapon. Pinapayuhan ding umiwas sa mabibigat na physical activities sa oras ng matinding init, magsuot ng magaang at light-colored na damit, manatili sa loob ng bahay kung hindi kinakailangang lumabas, at magdala ng payong, sombrero, o iba pang pananggalang sa araw kung lalabas.



































