Wala nang naitatalang bagong kaso ng coconut scale insect o cocolisap sa buong lalawigan ng Romblon simula pa noong 2019, ayon sa Philippine Coconut Authority (PCA) Romblon.
Sa Kapihan sa PIA Romblon nitong Miyerkules, iniulat ni Senior Agriculturist Oliver Gaa ng PCA Romblon na ang huling naitalang pag-atake ng cocolisap ay mula pa noong 2017 hanggang 2019, kung saan naapektuhan ang mga bayan ng Calatrava at San Agustin.
Ayon kay Gaa, naging matagumpay ang mga hakbang ng pamahalaan upang masugpo ang peste sa mga niyugan sa lalawigan. Kabilang sa mga interbensyon ang paggamit ng biological control agents at iba’t ibang pest management strategies. Malaki rin umano ang naging epekto ng dalawang malalakas na bagyong tumama sa lalawigan noong 2019, na tumulong upang tuluyang mawala ang cocolisap sa mga apektadong lugar.
“Sa ngayon po, wala na tayong naitatalang bagong kaso ng cocolisap sa buong lalawigan, at nananatili itong pest-free simula pa noong 2019,” pahayag ni Gaa.
Nagpahayag naman ng patuloy na suporta ang PCA sa mga coconut farmers sa lalawigan sa pamamagitan ng monitoring at pagbibigay ng teknikal na tulong upang maiwasan ang muling pagbalik ng naturang peste.
Ang cocolisap ay isang uri ng peste na sumisira sa mga puno ng niyog at naging malaking banta sa industriya ng niyog sa maraming bahagi ng bansa.



































