Nanumpa na sa kanilang mga puwesto ang mga bagong halal na opisyal ng lalawigan ng Romblon para magsilbi at magpatupad ng mga programang magpapaunlad sa probinsya sa loob ng susunod na tatlong taon.
Umaga ng Lunes, June 30, nanumpa si Congressman Eleandro Madrona sa bayan ng San Agustin, Romblon. Pinangunahan ang seremonya ng panunumpa ni outgoing Governor Jose Riano.
Kasabay ng okasyon sa San Agustin ay ang panunumpa rin ni Vice Governor Arming Gutierrez at ng mga bagong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon.
Kinahapunan naman ay naganap ang panunumpa ni Trina Firmalo-Fabic bilang kauna-unahang babaeng gobernador ng Romblon. Sa kanyang makasaysayang talumpati, nagpaabot siya ng mensahe ng pagkakaisa at serbisyo para sa lahat ng Romblomanon.
“Makakaasa po kayo — ang ating pamumuno sa Kapitolyo ay pamumunong bukas, tapat, makatao, inklusibo, at makatarungan. Pamumunong may integridad at malasakit. Isang pamahalaang bukas para sa lahat, kung saan ang pagkakaibang politikal ay isinasantabi para sa ikabubuti ng buong lalawigan,” pahayag ni Governor Trina.
Binigyang-diin ng gobernador ang kanyang layunin na itaguyod ang isang gobyernong tunay na naglilingkod sa bawat Romblomanon, anuman ang kulay ng politika.


































