Ipinagmamalaki ng lalawigan ng Romblon ang pagkakabilang nito bilang ikatlo sa mga probinsya sa buong bansa na may pinakamataas na antas ng functional literacy, batay sa pinakahuling Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) na inilahad sa ginanap na pagdinig ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang Romblon ay may functional literacy rate na 81.9%, Ibig sabihin, higit sa walo sa bawat sampung Romblomanon na may edad 10 hanggang 64 ay may kakayahang magbasa, magsulat, magbilang, at umintindi ng kanilang binabasa at sinusulat — mga pangunahing kakayahan na kinakailangan upang maging produktibong mamamayan. Nakapagtala din ang Romblon ng 94.6% sa basic literacy rate.
Lubos ang pasasalamat ni Schools Division Superintendent Roger Capa sa magandang resulta ng survey.
“This recognition would not have been possible without the dedication and hard work of our teachers, school heads, and division officials,” ayon sa pahayag ng opisyal.
Ang FLEMMS ay isang regular na isinasagawang survey ng PSA na sumusukat sa basic at functional literacy ng mga Pilipino, at tumutulong sa pamahalaan na magtakda ng mga programang edukasyonal para sa iba’t ibang rehiyon