Tiklo ang isang kawani ng gobyerno sa San Fernando, Romblon sa isinagawang buy-bust operation ng mga kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong tanghali ng Miyerkules, November 20.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nahuli ang suspek, residente ng Barangay Mabini, matapos di umanong bentahan ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu ang isang undercover operative. Matapos ang transaksyon, agad itong inaresto ng mga awtoridad.
Bukod sa di umano ay nabentang sachet, nakuha rin umano mula sa suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa San Fernando Municipal Police Station at maaaring maharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Selling Illegal Drugs) at Section 11 (Possession of Illegal Drugs) ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.