Arestado ang isang barangay kagawad sa Barangay Cambalo, Cajidiocan, Romblon sa isang isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Romblon Provincial Office, katuwang ang Cajidiocan Municipal Police Station at Romblon Provincial Drug Enforcement Unit, noong gabi ng October 12.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Von Tarrosa, 52 taong gulang, residente ng Barangay Cambalo, Cajidiocan. Nahuli si Tarrosa matapos umano siyang magbenta ng pinaghihinalaang shabu sa isang operatibang nagpanggap bilang buyer.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 0.2 gramo. Kasama rin sa mga nakumpiska ang marked money na ginamit sa operasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Tarrosa, na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.