Muling nanawagan ang pamunuan ng Social Security System (SSS) Odiongan branch sa mga employer na i-update at ayusin ang kanilang mga kontribusyon.
Ito ay kasunod ng pag-iikot ng SSS team sa Calatrava, Romblon noong nakaraang linggo. Walong employers ang binisita ng SSS sa bayan dahil sa hindi pagre-remit ng kontribusyon.
Ayon sa SSS, ang pag-update ng kontribusyon ay makabubuti rin para sa mga empleyado ng nasabing mga employer.
Sa pamamagitan ng updated contributions, magiging kwalipikado ang mga empleyado sa mga benepisyo ng SSS gaya ng maternity benefit, loans, retirement, at iba pa.
Para naman matulungan ang mga employer na may balanse o pagkakautang, patuloy na nag-aalok ang ahensya ng installment plans at condonation ng penalty.