Isang rider ang nasawi sa Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon nitong Lunes ng gabi, Agosto 12, dahil sa aksidenteng dulot ng kalasingan. Nakilala ang biktima na si Noe Manes Jr., residente ng Barangay Calagonsao.
Ayon sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, si Manes, na sakay si Jose Cesar Jr., 55 taong gulang, ay pauwi mula Looc nang masalpok ang motorsiklong minamaneho ni Rolando Galan, isang empleyado ng BFAR, na sakay naman ang kanyang asawa.
Dahil sa mabilis na pagpapatakbo at kalasingan, pumasok umano si Manes sa linya ng kasalubong na motorsiklo, na nagresulta sa banggaan.
Napag-alaman din na walang headlight ang motorsiklo ng lasing na rider.
Sinubukan pang isugod sa ospital si Manes ngunit binawian din ito ng buhay.
Samantala, ang tatlong iba pang biktima ay nagpapagaling pa sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.