Nilooban ng hindi pa tukoy na mga salarin ang Rural Health Center ng bayan ng San Andres, Romblon nitong nakalipas na araw.
Sa ulat ng San Andres Municipal Station, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isa sa mga personnel ng Rural Health Unit na di umano ay nawawala ang ilang unserviceable government issued laptops na nakatago sa kwartong hindi nila madalas pinapasok.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na nakapasok ang mga suspek sa center matapos nilang sirain ang door knob ng pinto sa likod ng center.
Nagkakahalaga ng P90,000 ang mga nasabing nawawalang laptop.
Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng San Andres Municipal Station sa insidente para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. Sinisilip na rin nila ang mga CCTV sa mga establisyemento na malapit sa center.


































