Nasawi ang isang laborer habang nasa ICU ang kasama nito matapos silang mahagip ng kotse habang nag-uusap sa gilid ng kalsada sa Sitio San Ramon, Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon nitong gabi ng April 29.
Ang mga biktima ay kinilalang sina RR Ibabao, at Garen Delos Reyes, pawang mga residente ng Barangay San Isidro.
Sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station, nakikipag-usap habang nakaupo sa kanyang motorsiklo si Ibabao kay Delos Reyes na nakaupo sa gilid ng kalsada nang mahagip sila ng isang Hyundai Accent na minamaneho ni Gui-ob Barangay Captain Liberato Mayor Jr.
Galing di umano ng Barangay Calagonsao at pauwi ng Gui-ob si Kapitan nang mangyari ang aksidente. Ayon sa pulisya, pagdating nito sa kurbada na nandoon ang dalawang biktima ay na-miscalculate nito ang paliko at nahagip ang dalawa.
Sinubukan pang dalhin sa Don Modesto Formilleza Sr Memorial Hospital sa Looc si Ibabao ngunit idineklara din itong Dead on Arrival habang si Delos Reyes naman ay nasa ICU dahil sa malubhang head injury.
Inaresto naman ng mga tauhan ng pulisya si Kapitan na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury and Damage to Property.