Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Lunes, kinumpirma ni Romblon Congressman Eleandro Madrona ang plano ng lokal na pamahalaan ng Santa Maria na magtayo ng view deck sa Sitio Talamban sa Odiongan-Sta. Maria Eastwest Road.
Ayon kay Madrona, nagpasa na ng proposal ang lokal na pamahalaan sa kanyang opisina para mapag-aralan ang posibilidad nito at kung mapondohan.
Kwento pa ni Madrona, maganda umano ang simoy ng hangin sa lugar dagdag pa sa magandang view tuwing umaga.
Aniya, ang pagpapaganda at paggawa ng mga bagong tourist spot sa probinsya ay bahagi ng kanyang mga plano para sa probinsya bilang chairman ng Tourism sa mababang kapulungan.
Ang Sitio Talamban sa Santa Maria ay dinarayo ngayon ng mga lokal na turista at isa sa madalas puntahan ng mga dumadayo ng bayan ng Santa Maria.