Arestado ang isang security guard matapos di umano itong kumagat sa isinagawang buy-bust operation ng otoridad nitong madaling araw ng Biyernes, March 22.
Ang suspek ay kinilala ng Romblon Police Provincial Office na si Florante Tansiongco, 39, security guard ng Romblon State University-Cajidiocan Campus.
Ayon sa pulisya, nagsagawa sila kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency ng buy-bust operation sa Barangay Sugod dahilan para maaresto ang suspek. Nabilhan di umano ang suspek ng isang plastic sachet na may pinaghihilaang shabu sa halagang P1,000.
Sa ulat pa ng pulisya, sa isinagawng body search sa suspek ay nakuhaan pa di umano ito ng isa pang sachet ng pinagbabawal na gamot.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act.