Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bantay Dagat ang sampung pasahero ng isang motorbanca na nasiraan sa gitna ng laot malapit sa Brgy. Agojo, Looc, Romblon kaninang hapon.
Sa ulat ng PCG, nakatanggap sila ng distress call mula sa operator ng bangkang Jedidiah 2 dahilan para magsagawa nila ng search and rescue operation.
Mag alas-4 ng hapon nang mahila ang bangka papunta sa Looc Port sakay ang sampung pasahero nito kasama na ang boat operator na si Benrol Palacio.
Ayon sa kanya, nasira ang propeller shaft ng kanilang bangka dahilan para magpalutang-lutang ito sa gitna.
Sa ngayon, ligtas nang nakauwi ang mga pasahero ng bangka sa kanilang mga tahanan. Wala naman umanong nasaktan sa kanila sa aksidente.




































