Dalawang mangingisda sa bayan ng Cajidiocan, Romblon ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa kanilang bangkang pinalubog ng isang whale shark.
Kwento ng mga mangingisdang sina Edgardo Lozano, 60, at Harry Lozano, 51, nangingisda umano sila sa may bahagi ng Barangay Cantagda sa bayan ng Cajidiocan nang salpukin ang kanilang bangka ng dambuhalang whale shark dahilan para lumubog ito.
Agad naman silang nakahingi ng tulong mula sa coast guard na nagpadala naman ng search and rescue team.
Ligtas na ang dalawa at nasa mabuti naman umanong kalagayan. Inalalayan na rin umano sila ng PCG na makauwi sa kani-kanilang mga bahay.