Sugatan ang isang lalaki sa Sitio Looc sa Barangay Cambijang sa Cajidiocan, Romblon matapos itong masaksak ng nakaalitan ng kanyang ama habang nangingisda nitong Miyerkules ng hapon, January 24.
Ang biktima ay kinilalang si John Riel Rada, 26, habang ang suspek ay kinilala naman ng pulisya na si Nicho Repil, 34.
Sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, habang ang biktima kasama ang kanyang ama at iba pang mangingisda ay naghahanda para pumunta sa laot, bigla umanong lumapit ang suspek sa ama nito at kinumpronta tungkol sa pinagtalunan nila sa isang floating raft.
Habang nag-uusap ang dalawa ay nagtalo sila dahilan para magalit ang suspek at bumunod ng patalim.
Sinubukang pigilan ng biktima ngunit wala itong nagawa at nasaksak ito sa may tiyan.
Dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital for Medical para ipagamot habang ang suspek naman ay agad na tumakas mula sa crime scene.
Pinaghahanap na ito ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station na naglatag ng hot pursuit operation laban sa suspek.