Dalawang mangingisdang sakay ng lumubog na bangka ang nailigtas ng isang cargo vessel na dumaan sa gitna ng San Francisco, Quezon at Sibuyan Island, Romblon.
Ayon sa incident report mula sa Coast Guard Station – Romblon, nakatanggap sila ng ulat na lumubog ang bangkang sinasakyan ng dalawa kaya agad na nagpadala ng operation unit ang Coast Guard para iligtas ang dalawa.
Pagdating nila ay nailigtas na ng M/V SITC Cagayan ang dalawang mangingisda na kinilalang sina Rolando Riano, at Meynard Riano, pawang residente ng Brgy. Agtiwa, San Fernando, Romblon.
Ayon sa kanila, alas-3 kahapon nang sila ay pumulaot ngunit nakaranas sila ng malalakas na alon at hangin dahilan upang lumubog ang kanilang bangka.
Nakuha na ng Coast Guard ang dalawa at dinala na sa Romblon, Romblon para ipasuri ang kanilang kalusugan.