Nasawi matapos manakit ang tiyan ng isang senior citizen na maaga palang ay nasa inuman na sa bayan ng San Andres, Romblon. Ang nasawi ay kinilalang si Gidion Francisco, 62 taong gulang, residente ng Barangay Marigondon Norte sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap umano sila ng sumbong na may lalaking hindi na humihinga ang nakahiga sa harapan ng isang sari-sari store sa lugar.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, lumalabas na alas-6 ng umaga ng November 14 ay nakikipag-inuman na ang nasawi sa kanyang pinsan. Pagdating ng alas-8 ng umaga ay dumaing si Francisco ng pananakit ng tiyan kaya umuwi ang kainuman nito para kumuha ng pampahid.
Bandang alas-10:40 ng umaga, napansin nang mga bumibili sa tindahan na tila hindi na gumagalaw at humihinga ang nakahigang si Francisco sa harap ng tindahan kaya agad silang humingi ng saklolo.
Sinubukan pang i-revive si Francisco ng Barangay Health Worker sa lugar ngunit bigo ito. Isinugod sa ospital si Francisco ngunit idineklara din itong dead on arrival.
Patuloy na iniimbestigahan ng San Andres Municipal Police Station kung ano ang posibleng dahilan ng pagkamatay ni Francisco.
Discussion about this post