May aabot sa 28 na fisherfolk association sa iba’t ibang bayan sa Romblon ang tumanggap ng iba’t ibang equipment para sa kanilang pangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Special Area for Agriculture Development (SAAD) Program.
Ilan sa mga gamit na ipinamigay ay ang sets ng drift grill nets, fish containers, at chest freezers.
Ayon sa BFAR SAAD Mimaropa, ang mga fisherfolk associations a mula pa sa mga bayan ng Sta. Fe, Ferrol, San Andres, Magdiwang, at Cajidiocan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Sherryl D. Montesa ng Provincial Fishery Office ng BFAR sa Romblon, na layunin ng BFAR na masiguro ang food safety ng mga harvested na isda sa probinsya.
“Since karamihan ng interventions ngayon ay post-harvest, ang food safety ng ating mga paninda or isda ay priority. Sa monitoring, kelangang visible na ginagamit niyo talaga ito for fisheries,” pahayag ni Montesa.
Pareho rin ang sentemento ni Engr. Al Fetalver ng Provincial Agriculturist Office.
“Dapat ang Romblon makilala rin bilang producing sector ng isda hindi lang sa livestocks at agriculture. Kaya ang mga binababa mula sa region papunta sa municipal level ay makatutulong sa inyo na mapaunlad ito at maging income niyo,” pahayag nito.
Inaasahan ng BFAR na mas mapapaunlad ang kalagayan ng mga mangingisda sa Romblon sa tulong ng mga interventions ng SAAD sa Romblon.