Sa September 4 ay magsisimula na ang pinakabagong census ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga magsasaka at mangingisda sa probinsya.
Sa isang panayam, sinabi ni Engr. Dandy Fetalvero, supervising statistical specialist ng PSA Romblon, na sumasabak na sa pagsasanay ang mga enumerators na kinuha ng PSA para magsagawa ng Census of Agriculture and Fisheries (CAF).
Dagdag nito, sampling ang isasagawang survey sa probinsya kung saan may tukoy na barangay na magmumula ang mga mangingisda at magsasaka na pupuntahan ng mga enumerators. Ang mga ito ay kakatawan sa buong populasyon ng mga mangingisda at magsasaka sa lalawigan.
Ang CAF ay isinasagawa kada-10 taon, at nangyari ang huli noong 2012.
Ang mga respondents ay sasalang sa survey sa pamamagitan ng computer-assisted personal interviews at self-administered questionnaires.
“Isinasagawa natin ito para sa bagong mga impormasyon tungkol sa agriculture at fisheries. Dito rin natin makikita ang inventory ng kanilang mga equipment patungkol sa agriculture at aqua-culture. Dito din tayo kukuha ng frames para sa iba pang survey,” pahayag ni Engr. Fetalvero.