Isang lalaki na itinuturing na suspek sa pananaga sa kanyang kuya ang inaresto ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) kagabi sa Barangay Concepcion Norte, sa Santa Maria, Romblon.
Ang suspek ay kinilalang si Roden Galica, habang ang biktima naman ay kinilalang si Robert Galicia.
Ayon sa ulat ng pulisya, bago ang insidente, ang dalawa ay nag-iinuman sa kubo ng kanilang pinsan. Sa imbestigasyon, lumitaw na nagkaroon ng mainit na pagtatalo at di-pagkakaintindihan sa pagitan ng biktima at ng suspek, na nagmumula sa isang family issue.
Habang nag-uusap, kinuha di umano ng suspek ang isang bolo mula sa kusina at tinaga ang kanyang kapatid sa kaliwang bahagi ng ulo.
Nakatakbo ang biktima at humingi ng tulong sa mga residente sa lugar.
Nagtamo ito ng sugat sa kaliwang bahagi ng ulo, kaliwang tenga, at kaliwang braso at agad na dinala sa Don Modesto Formilleza Memorial Hospital para gamutin.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kasong isasampa laban sa suspek.