Nasawi ang isang lalaki matapos itong tagain ng nakainuman na suspek sa bayan ng Santa Maria, Romblon nitong gabi ng July 12.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen ay magkasama ang biktimang si Marlon Alujipan at ang suspek na si Efren Gabao ay magkasama sa inuman sa bahay ng tiyuhin ng biktima.
Naunang umuwi ang suspek ngunit naiwan nito ang live-in partner niya. Nang pauwi na ang kanyang live-in partner ay nadisgrasya ito sa motorsiklo kaya minabuting ihatid ng biktimang si Alujipan.
Ngunit pagkahatid ng biktima ay bigla nitong sinuntok ang natutulog na suspek at tinanong kung bakit nito pinabayaan ang kanyang live-in partner.
Sa galit ng suspek, gumanti ito. Tumakbo ang biktima papunta sa isang tulay ngunit nahabol siya ng suspek na may dalang 21-inches na bolo na ginamit para tagain ito sa leeg.
Sinubukan pang isugod si Alujipan sa Don Modesto Formilleza Memorial Hospital sa bayan ng Looc ngunit idineklara rin itong dead on arrival sa ospital.
Kusa namang sumuko sa barangay captain ng Conception Sur ang suspek na si Gabao.
Nakakulong na ngayon ito sa Santa Maria Municipal Police Station at mahaharap sa kaukulang kaso.