Isang pulis ang nanakawan ng cellphone sa bayan ng Concepcion Sur, Santa Maria, Romblon hapon ng June 11.
Sa report ng Romblon Police Provincial Office, ang biktimang si Major Francis Rey Manito, spokesperson ng Romblon PPO, ay nag-aayos ng metal roofing ng bahay ng kanyang ina sa Barangay Concepcion Sur nang mangyari krimen.
Bago mag-ayos ng roofing, inilagay ng biktima ang kanyang cellphone malapit sa bintana ng tindahan nang kanyang ina.
Pagdating umano ng dalawang suspek sakay ng tricycle, bigla umanong bumaba ang menor-de-edad at pasikretong kinuha ang cellphone ng biktima at agad na tumakas patungo sa San Agustin.
Nahabol naman sila ng biktima sa Barangay Bachawan matapos silang masiraan at nakuha ang cellphone na nasa posisyon ng suspek na menor-de-edad.
Dinala na ang mga suspek sa Santa Maria Municipal Police Station.