Ang naiwang sinaing ang itinuturong dahilan nang naganap na sunog sa Barangay Malilico sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong umaga ng Huwebes, April 20.
Pasado alas-11 ng umaga nang tupukin nang apoy ang bahay ni Jimmy Fontamillas sa nabanggit na barangay.
Kwento ng opisyal ng Barangay, bago umalis ang biktima sa kanilang bahay para mag-asikaso ng kanyang kalabaw ay iniwan niya ang sinaing na may mahinang apoy ngunit pagbalik nito ay natutupok na ang kanyang bahay.
Sinubukang pang isalba ng mga kapitbahay ang nasusunog na bahay ni Fontamillas ngunit hindi nila kinaya dahil sa bilis kumalat ng apoy. Mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang bahay.
Iniimbestigahan na ng Odiongan Fire Station ang sunog.

























