Libo-libong mga turista ang inaasahang uuwi ng Odiongan, Romblon sa susunod na linggo para sumaksi sa ika-176th Founding Anniversary ng bayan kasabay ng pag-obserba sa bansa sa Semana Santa.
Ayon kay Odiongan municipal tourism officer Mary Jude Gabat, ang pagdeklara ng holiday para sa Semana Santa at pagsakto nito sa petsa ng selebrasyon ng 176th Founding Anniversary at Kanidugan Festival ng Odiongan ay makakatulong para mas mainganyo ang mga bisita at mga balikbayan na umuwi ng Odiongan sa susunod na linggo.
Sa iskedyul na inilabas ng Odiongan Public Information Officer, March 31 ay magsisimula na ang kick-off ng selebrasyon sa pamamagitan nang pagbubukas ng Agri-Trade Fair sa Odiongan Children's Park and Paradise.
Magkakaroon rin ng iba't ibang night events kagaya ng Agency Night, Barangay Night, Batch Night, Senior Citizens Night, at Binibining Odiongan.
May mga palarong lahi rin, bikeathon, at iba pang events na puwedeng puntahan ng mga bisita mula March 31 hanggang April 4, at April 9 hanggang 10.
“100% nang handa ang lokal na pamahalaan ng Odiongan para sa selebrasyon na ito. Katunayan, naglatag na security plan ang Odiongan Municipal Police Station maging ang MPDC ay naghanda na ng rerouting plan para sa mga kalsadang maapektuhan ng mga aktibidad,” ayon kay Gabat.
Sinabi rin nito na nagdagdag na ng biyahe ang 2Go Travel patungo ng Odiongan galing Batangas at Caticlan para mabigyan ng mas maraming mode of transportation ang lahat ng uuwi sa bayan, dagdag sa biyahe ng Montenegro, Starlite, at AirSwift.
Ang mga tourist spot, at hotel rin sa bayan ay inihanda na ng lokal na pamahalaan sa dagsa ng mga tao sa susunod na linggo.


























