Pinag-iingat ng Calatrava Municipal Police Station ang publiko laban sa iba’t ibang klaseng scam kagaya nang “Gcash cash-in” scam na nangyari sa bayan ng Calatrava noong huling araw ng Enero.
Ayon kay Captain Nanette Pablico, OIC ng Calatrava MPS, isang tindahan umano ang nakunan ng P25,000 matapos magpa cash-in ang isang babae na di umano ay kausap ang sikat na TV show host, at nanalo umano ng pera.
“Nagtiwala nang sobra itong tindahan kaya ipinadala ‘yung P25,000 kahit wala pang binibigay sa kanyang pera ang babaeng nagpapa-cash in,” ayon kay Captain Pablico.
Sinabi ni Captain Pablico na kalaunan ay inatras rin ang reklamo ng tindahan dahil ang babae pala ay biktima rin ng modus.
“Huwag po magtitiwala basta-basta. Kung talagang may nagpapadala, dapat hawak na ang pera,” paalala ni Captain Pablico sa mga may tindahan.